Lumaktaw sa nilalaman
3D architectural render ng Pax Silica entrance at tech hub sa Capas at New Clark City, Tarlac.
Computer Professionals' Union

Computer Professionals' Union

Pilipinas, hindi ipinagbibili.

No to Pax Silica!

Tutulan ang Pax Silica! Ipaglaban ang pambansang industriyalisasyon at tunay na reporma sa lupa! Trump Out!

Hindi para sa Pilipino, kundi para sa dayuhan.

Isang inisyatiba na pinangungunahan ng US na nais gawing sarili nitong strategic economic zone para sa AI at semiconductor manufacturing ang 1,620 ektarya ng lupang Pilipino. Narito kung bakit dapat natin itong tutulan.

Ano ang Pax Silica?

Ang Pax Silica ay isang inisyatibang pinamumunuan ng Estados Unidos na naglalayong kontrolin ang buong kadena ng semiconductor at artificial intelligence — mula sa pagmimina at pagpoproseso ng mineral, sa paggawa ng chip at semiconductor, sa mga data center, advanced hardware, at lahat ng iba pang teknolohikal na imprastrukturang kailangan ng artificial intelligence. Inilunsad ito bilang pagtatangkang lampasan ang halos monopolyo ng China sa semiconductor supply chain at talunin ang pinakamalaking karibal ng Amerika sa AI race.

Magbasa pa · 3 talata

Sumali sa inisyatiba ang maraming bansa tulad ng Japan, Israel, Australia, European Union, Germany, South Korea, at United Arab Emirates. Sumali ang Pilipinas noong Abril 2026.

Inihayag ng Estados Unidos at ng rehimeng Marcos na magmamanifest ang Pax Silica sa Pilipinas sa pamamagitan ng 4,000 acre (mga 1,620 ektarya) na AI-native industrial hub sa New Clark City, Tarlac, sa loob ng Luzon Economic Corridor — at itinalaga itong kauna-unahang Pax Silica “Economic Security Zone.” Para sa mga industriyalisadong bansa tulad ng Japan at South Korea, sila ang humahawak sa mataas na halaga ng industriya tulad ng memory chip production, semiconductor design, at AI development. Para sa mga atrasadong bansa tulad ng Pilipinas, ang pangunahing papel natin ay magsuplay at magproseso ng critical minerals.

Inaasahang pipirmahan ang final na Pax Silica master agreement sa Nobyembre 16, 2026 — ang araw ng pagbisita ni Donald Trump sa Pilipinas para sa ASEAN Summit sa Metro Manila. Idinadaan ito nang mabilisan sa kabila ng iba’t ibang alalahanin na itinataas ng maraming sektor sa Pilipinas.

Ang buong kadena
  1. 01Pagmiminahilaw na mineral
  2. 02Pagpoprosesorefining
  3. 03Chipfabrication
  4. 04Data centercompute
  5. 05AImodel at militar

Ang Pilipinas ay nasa unang hakbang lang: nagluluwas ng hilaw na mineral. Ang halaga — at ang teknolohiya — nananatili sa labas.

Tanaw mula sa himpapawid: ang interchange ng MacArthur Highway at New Clark City, napapaligiran ng bukirin.
Ang palitan ng MacArthur Highway at New Clark City sa Cutcut, Capas. Pansamantalang larawan.Patrickroque01 · CC BY-SA 4.0

Bakit ito itinutulak ng Estados Unidos?

Sa pamamagitan ng Pax Silica, nais ng Estados Unidos na ayusin ang global AI supply chain ayon sa sarili nitong interes at agenda — isang “America First” na inisyatiba, para labanan ang halos monopolyo ng China sa mga kritikal na chokepoint ng AI supply chain. Sa halip na multilateral at free trade, ang negosyo at pagpapaunlad ng supply chain para sa artificial intelligence ay kontrolado at ididikta na ng interdependent na relasyon ng mga kasaping bansa ng Pax Silica sa US.

Magbasa pa · 2 talata

Itinuturing ng Estados Unidos ang China bilang pangunahing karibal nito sa ekonomiko, teknolohikal, at militar na aspekto ng artificial intelligence. Ang China ang pangalawang pinakamalaking gumagasta sa research at design sa mundo, at hawak ang mga 60% ng global rare-earth mining at 90% ng global rare-earth processing. Sa ngayon, inaangkat ng US ang malaking bahagi ng rare-earth minerals nito mula sa China.

Sa paglakas ng kapangyarihang geopolitical ng China at pagpilit sa Estados Unidos na umasa sa import mula sa karibal nito, nagiging strategic vulnerability ito para sa US at mga kaalyado nito, dahil ang AI industry ay umaasa sa marami sa parehong supply node na kontrolado na ng China.

Hawak ng China sa rare earth
Pagmimina (mining)
60%
Pagpoproseso (processing)
90%

Bahagi ng global na produksyon at pagpoproseso ng rare earth na hawak ng China.

Open-pit na minahan ng rare earth na may malaking hukay at mga pasilidad sa tabi nito.
Isang open-pit na minahan ng rare earth sa California, para sa ilustrasyon lamang. Pansamantalang larawan.Tmy350 · CC BY-SA 4.0

Bakit sinusuportahan ni Marcos Jr. ang Pax Silica?

Philippine President Marcos Jr. and US Secretary of War Pete Hegseth
Philippine President Marcos Jr. and US Secretary of War Pete Hegseth

Mayaman ang Pilipinas sa likas na yaman — lalo na sa mineral tulad ng nickel, cobalt, at copper. Noong 2024, ang Pilipinas ang pangalawang pinakamalaking producer ng nickel sa mundo, na may 9.5% ng global production, at iniluluwas ang karamihan nito sa China para sa processing at refinement. Interesado ang Estados Unidos na maging pinagmumulan ng critical minerals ang Pilipinas para sa sariling produksyon nito ng data centers, electronics, at semiconductors.

Magbasa pa · 3 talata

Iginiit ni Marcos Jr. na kailangang umangat ang Pilipinas sa supply chain at hindi manatiling resource extraction node — ayon sa kanya, layunin ng Pax Silica na industriyalisahin ang Pilipinas. Upang maplease ang mga capitalist investor at ang US, nais din ni Marcos Jr. na patibayin ang Philippines-US strategic relationship sa pamamagitan ng pagpayag sa US na gamitin ang lupang Pilipino para malamangan ang China sa AI race.

Pero ang pagbebenta ng critical minerals sa Estados Unidos sa halip na sa China ay hindi awtomatikong magpapabuti sa kalagayan natin o magdudulot ng tunay na industriyalisasyon. Sa likod ng tabing ng “development,” ang Pax Silica ay mas malalim na pagsasama ng Pilipinas sa US-led economic at geopolitical bloc. Imbes na humiwalay at gumawa ng sariling landas tungo sa pag-unlad, lalo lang umaasa ang Pilipinas sa kapritso ng global market at mas lantarang nasasakop ang lupa, paggawa, at kalikasan ng mamamayan.

Kung paniniwalaan natin ang sinasabi ni Marcos Jr. na ang Pax Silica ang paraan natin para umunlad — itatanong natin: para kanino ba ang pag-unlad?

Ang pangako, at ang totoo

Daang libong trabaho

Walang dokumentong naggagarantiya nito.

Halos isandaang bilyong dolyar

Naka-book sa labas, ginagastos sa labas.

Pag-angat sa supply chain

Pagmamay-ari, patent, at fab: dayuhan pa rin.

Para kanino ba ang pag-unlad?

Larawan: Steve Jurvetson (CC BY 2.0)Patrickroque01 (CC BY-SA 4.0)Aileen Devlin / Jefferson Lab (Public domain)Rhododendrites (CC BY-SA 4.0)

Ano ang ipinapangako ng Pax Silica?

Sinasabi ng mga tagasuporta ng Pax Silica na ang oportunidad sa pamumuhunan ay isang bagay na hindi dapat palampasin. Sinasabing nangangako ang Pax Silica ng daan-daang libong trabaho para sa mga Pilipino at pambansang industriyalisasyon na mag-aangat sa posisyon ng Pilipinas sa pandaigdigang semiconductor supply chain at gagawa nitong pandaigdigang kakumpitensya sa teknolohiya. Para sa hub sa New Clark City, tinataya ng BCDA ang US$40 - 70 bilyong pamumuhunan at halos 200,000 direktang trabaho.

Magbasa pa · 5 talata

Sa mga claim ng BCDA na “libu-libong trabaho”

Ang headline na bilang ng trabahong idudulot ng Pax Silica sa Pilipinas ay proyeksyon lamang, hindi pangako — ibig sabihin, hindi ito garantisadong resulta. Bukod sa walang pampublikong inilabas na pag-aaral kung paano nakuha ang mga proyeksyong ito, wala ring pampublikong dokumentong kontraktwal na nag-uutos sa mga dayuhang kumpanyang papasok dito na magbigay ng daan-daang libong trabaho para sa mga Pilipino. Wala silang pananagutan kung hindi nila maabot ang target na ito.

Dapat din nating tanungin ang “AI-native” ng Pax Silica, dahil ang direksyon ng Estados Unidos sa AI investments ay kilalang nagdudulot ng pagtanggal sa mga manggagawa, hindi ng mas maraming trabaho — gaya ng makikita sa malawakang layoffs kahit sa mas maunlad na bansa.

Sa karapatan at kalidad ng trabaho

Kasinghalaga ng bilang ng trabaho ang karapatan at kalidad ng trabahong dala ng Pax Silica. Contractualization at kronikong mababang sahod ang pinakamalaking isyu ng manggagawang Pilipino. Kung magdadala ang Pax Silica ng trabaho sa ilalim ng parehong sirang labor system ng Pilipinas, nasa panganib tayong pagsamantalahan ng mga dayuhang korporasyon ang sistema natin para kumuha ng temporary, contractual, at kulang ang bayad na manggagawa. Kung walang pampublikong dokumentong tahasang nagsisiguro sa karapatang mag-union, collective bargaining, disenteng sahod, regularisasyon, at kaligtasan sa trabaho — tiyak na isa na namang yugto ang Pax Silica sa mahabang kasaysayan ng paglabag sa karapatan ng manggagawa na dala ng export-oriented labor model.

Sa pag-akyat sa supply chain at technology transfer

Ang pag-akyat sa global technology supply chain ay nangangahulugang kailangan nating masiguro ang teknolohiyang gagamitin sa Pilipinas para makapagsimula tayong magproduce sa sarili natin, sa halip na paulit-ulit na mag-import mula sa ibang bansa. Kailangan nito ng kontrata sa technology transfer — paghahatid ng industry practices, tools, at techniques sa mga Pilipinong kumpanya para matuto sila, makaangkop, at magmay-ari ng mga bagong teknolohiya.

Bigong siguraduhin ng Pax Silica ang anumang uri ng technology transfer — ang foreign investment lamang ay nangangahulugang makakapagtayo ng pabrika ang mga dayuhang korporasyon sa Pilipinas, pero wala tayong pag-aari sa teknolohiya. Ang pagmamay-ari at kontrol sa teknolohiya, intellectual property, at mataas na bahagi ng supply chain ay maaaring manatili sa mga dayuhang korporasyon, habang ang Pilipinas ay naiiwan sa mababang halaga ng industriya. Sa kasaysayan, hindi awtomatikong nagdudulot ng makabuluhang technology transfer o pag-unlad ng domestikong kakayahang teknolohikal ang foreign investment. Kaya kahit may halos isandaang bilyong dolyar na foreign investment, mananatili tayong atrasado at mas lalo pang umaasa sa foreign capital at teknolohiya.

Anong posibleng epekto ng Pax Silica?

Sa kabila ng walang binding na kahilingan ang pamahalaang Pilipino sa mga dayuhang korporasyong papasok sa Pilipinas, marami tayong isinusuko para sa Pax Silica na maaaring makaapekto sa atin sa iba’t ibang paraan.

Magbasa pa · 5 talata

Malawakang pagnanakaw sa lupa ng mga magsasaka at IP community

Sa kabila ng paulit-ulit na kasinungalingang walang maaapektuhang komunidad, ayon sa BCDA, sa katotohanan ay libu-libong katutubong Ayta at magsasaka ang planong ilikas ng Pax Silica sa Capas, Tarlac. Sinasabi ng BCDA na nagbigay sila ng hanggang 15,000 ektarya ng lupa para sa mga Ayta at 10,000 ektarya para sa mga magsasaka, pero inaamin din ng BCDA na malaking bahagi ng ipinangakong lupa ay naibigay na sa mga pribadong developer bilang bahagi ng New Clark City.

May pending application din para sa Certificate of Ancestral Domain sa National Commission on Indigenous Peoples na inihain ng mga katutubong Ayta na ipinaglalaban ang karapatan sa sariling ancestral land. Batay sa pinakabagong datos, tinatayang 20,000 katutubong Ayta at 15,000 magsasaka ang umaasa at nagtatrabaho sa lupang kinuha ng New Clark City. Para sa BCDA, walang komunidad at magsasakang maaapektuhan ng Pax Silica dahil ayaw nilang kilalanin ang karapatan ng mga ito sa sariling lupa sa lugar ng New Clark City.

Pinsala sa kalikasan

Inaasahang palalakihin at padadamihin din ng Pax Silica ang mga malalaki at mapaminsalang minahan sa Pilipinas. Gustong sabihin ng BCDA na walang mining operation sa kanilang industrial zone, pero ang tahasang pangunahing papel ng Pilipinas sa Pax Silica ay magsuplay ng hilaw na materyal para sa processing. Pinopondohan na ng US ang pagpapalawak ng mga bagong mining area sa labas ng Capas, Tarlac para sa Pax Silica.

Malawakang pagkuha ng tubig at kuryente

Sa harap ng kawalan ng access sa tubig at ng paparating na drought dulot ng El Niño, pinipilit pa rin ang Pax Silica kahit nanganganib ang suplay ng tubig ng mga Pilipino. Kahit sinabi ng BCDA na wala nang itatayong data center sa Capas, Tarlac, sinasabi rin nito na kailangan pa rin nito ng hanggang 90 milyong litro ng tubig araw-araw para sa operasyon. Katumbas ito ng konsumo ng 600,000 hanggang 900,000 Pilipino. Hanggang ngayon, may mga 40 milyong Pilipino pa ring walang access sa malinis at ligtas na tubig. Bakit uunahin pa ang Pax Silica kaysa sa kanila?

Sinabi rin ng BCDA na kapag ganap nang operational ang industrial zone, kailangan nito ng 3 gigawatts ng enerhiya para mapagana ang lahat. Mahigit doble ito sa kapasidad ng pinakamalaking conventional operating plant sa bansa ngayon. Ang industrial zone na kailangan ng ganito karaming enerhiya ay tiyak na papahirapan ang Philippine electrical grid, na matagal nang dumaranas ng chronic blackouts at isa sa pinakamataas na presyo sa Southeast Asia. Handa ang gobyerno na magtayo ng power plant para lang sa Pax Silica, pero binabalewala nito ang energy crisis na nararanasan ng ordinaryong Pilipino.

Lupa: ilang ektarya ba talaga?
CapasBambanAngkin ng mga Ayta17,000 haNew Clark City9,450 haPax Silica hub1,620 haCapas National Shrine5 kmN

Tunay ang hangganan ng Capas at Bamban at ang mga ilog (OpenStreetMap). Ang New Clark City, ang hub, at ang angkin ng mga Ayta ay tinatayang hugis lamang, isinukat sa tamang ektarya — tamang sukat, halos tamang hugis, hindi survey.

Ikumpara ang Pax Silica!

Gaano nga ba kalaki ang 1,620 ektarya ng Pax Silica? Pumili ng kilalang lugar sa ibaba upang makita kung ilang beses itong kasyang-kasya sa loob ng planong AI hub.

Pax Silica (1,620 ha)
Pax Silica BCDA 3D architectural rendering
1,620 haFootprint

Pax Silica (Capas Master Plan)

≈ 441.42×kasya sa 1,620 ha

Philippine Arena (3.67 ha)

Kayang magkasya ang halos 450 Philippine Arena sa loob ng mga hangganan ng Pax Silica!

Saan nakatayo ang bawat sektor?

Sariling paninindigan ng bawat sektor, ayon sa kanilang mga organisasyon. Hinihintay pa ang pinal na bersyon mula sa bawat grupo.

Mga propesyonal sa kompyuter

Computer Professionals' Union

Alam namin kung paano ginagawa ang teknolohiya, at alam namin kung para saan ito ginagamit. Ayaw naming maging kasangkapan sa surveillance at sa digmaan. Kailangan ng pampublikong oversight sa AI at data centers, at karapatan ng mga manggagawa sa teknolohiya na tumanggi sa mapanganib na proyekto.

Mga siyentipiko

AGHAM

Ang agham ay para sa bayan. Ang Pax Silica ay hindi siyentipikong pagsulong — ito ay pagkuha ng mineral at enerhiya para sa interes ng ibang bansa. Kailangan natin ng malayang pananaliksik, pampublikong pamamahala sa teknolohiya, at agham na tumutugon sa pangangailangan ng mamamayan.

Mga inhinyero

PROPEL

Mga inhinyero kami, at alam namin kung paano itayo ang imprastrukturang kailangan ng bansa. Ngunit ang proyektong ito ay itinatayo para sa supply chain ng ibang bansa, hindi para sa pangangailangan ng mamamayan. Kailangan natin ng inhinyeriyang naglilingkod sa lokal na industriya at agrikultura.

Kalikasan

KALIKASAN–PNE

Ang 1,620 ektarya ay lupang sakahan at tahanan ng mga Ayta. Ang hyperscale data center ay uubos ng tubig at kuryente sa lugar na hindi pa nga sapat ang suplay. Walang makatarungang transition na nagsisimula sa pagtatanggal ng komunidad sa kanilang lupa.

Mga katutubo

NNARRA Youth · KATRIBU

Para sa mga katutubo, ang lupa ay buhay. Walang naging Free, Prior and Informed Consent. Hindi kami papayag na mawala ang ancestral domain para sa proyektong hindi namin pinili at hindi namin kailangan.

Mga manggagawa sa BPO

BIEN

Araw-araw kaming nakikipag-ugnayan sa teknolohiya sa trabaho. Ang AI na walang regulasyon ay banta sa trabaho, sa sahod, at sa karapatan ng manggagawa. Ang kailangan namin ay disenteng trabaho at boses sa desisyon — hindi lang mas murang operating cost.

Paano ginagamit ng Estados Unidos ang AI?

Above: US President Donald Trump From left to right: Secretary of War Pete Hegseth, xAI CEO Elon Musk, Palantir CEO Alex Karp, and OpenAI CEO Sam Altman
Above: US President Donald Trump From left to right: Secretary of War Pete Hegseth, xAI CEO Elon Musk, Palantir CEO Alex Karp, and OpenAI CEO Sam Altman

Dahil ang Estados Unidos ang nangunguna sa Pax Silica, ang mga kasaping bansang pumipirma dito ay pumapayag na tumulong sa US sa paggawa ng mga uri ng artificial intelligence na gusto ng US. Sa loob lang ng nakaraang ilang taon mula nang mabilis na umunlad ang artificial intelligence, hindi inuna ng US ang mga teknolohiyang AI na pinakakailangan ng tao at sa halip ay malaking bahagi ang inilaan sa mass surveillance at war technology. Malinaw ito kapag tiningnan natin ang mga AI technology na aktibong pinopondohan ng US.

Magbasa pa · 4 talata

Surveillance technology

Ang surveillance technology na pinopondohan ng mga state department ng US ay nagtatayo ng hindi regulated na corporate police state dahil sa mapanganib na mass surveillance tools na ginagamit laban sa ordinaryong mamamayan. Ang mga Flock camera ay nagkakahalaga ng daan-daang libong dolyar ng mga lokal na gobyerno at police department sa US para subaybayan ang bawat sibilyan kahit walang makatwirang hinala sa paglabag. Ginagamit ng US domestic law enforcement at national security agencies tulad ng ICE ang Clearview AI ng Palantir, na kumalap ng sampu-sampung bilyong larawan mula sa social media nang walang pahintulot para gumawa ng facial recognition database na makikilala ang kahit sino batay sa larawan — isang mapanganib na kasangkapan para hanapin at kilalanin ang kahit sino.

Autonomous weapons for war

Ang US Department of War mismo ay naglaan ng sampu-sampung bilyong dolyar para sa pagbuo ng sarili nitong artificial intelligence: partikular na autonomous weapons of war. Aktibo nilang pinag-aaralan at ginagawa ang autonomous combat at surveillance systems, advanced big data technology para sa command and control, at iba pang optimization tech na partikular na nagpapabuti sa paraan ng kanilang military campaigns sa buong mundo.


Actibong pinipilit ni Trump ang walang hadlang na pag-unlad at paglago ng artificial intelligence sa kabila ng lahat ng alalahanin: walang malinaw na gamit na nakikinabang sa ordinaryong mamamayan, kakulangan sa resources na nagpapataas ng presyo hindi lang ng teknolohiya kundi ng lahat ng bilihin. Malinaw na anumang uri ng artificial intelligence na pinopondohan at ginagawa ng Estados Unidos ay teknolohiyang nagsisilbi lamang upang patatagin at panatilihin ang imperyalistang dominasyon ng US — hindi lang laban sa sarili nitong mamamayan, kundi laban din sa maraming bansa sa buong mundo.

Kung hindi Pax Silica, ano?

Kabaligtaran ng sinasabi ng rehimeng US-Marcos, hindi Pax Silica lamang ang paraan para industriyalisahin ang Pilipinas. May paraan para makamit ng mamamayang Pilipino ang mga benepisyo ng Pax Silica nang hindi ipinapasok ang sarili sa US War Machine at sa labanan ng Washington at Beijing — pambansang industriyalisasyon at tunay na reporma sa lupa.

Mga raliyista na may dalang banner na 'Isulong ang Tunay na Reporma sa Lupa at Pambansang Industriyalisasyon! - Anakpawis Party-List'.

Sa madaling salita, ang Pambansang Industriyalisasyon at Tunay na Reporma sa Lupa ang solusyon sa pinakamatagal nang problemang kinakaharap ng mamamayang Pilipino.

Ang Pambansang Industriyalisasyon ay nangangahulugan ng pagpapaunlad at pagsasabansa ng mga industriya tulad ng pagmamanupaktura ng bakal, produksyon ng makinarya, at pagpoproseso ng masaganang hilaw na materyales na matatagpuan sa ating bansa. Magbibigay din ito ng trabaho sa milyun-milyong kulang sa trabaho at walang trabahong Pilipino, upang hindi na nila kailangang mangibang-bansa para lamang maitaguyod ang kanilang mga pamilya.

Samantala, ang Tunay na Reporma sa Lupa ay nangangahulugan ng pagbuwag sa monopolyo ng malalaking panginoong maylupa sa malalawak na hacienda at libreng pamamahagi ng mga lupang ito sa mga magsasakang aktwal na nagbubungkal sa mga ito, na marami sa kanila ay nananatiling baon sa utang sa kanilang mga panginoong maylupa para lamang mabuhay. Ang atrasadong kalagayan ng ating agrikultura ang ugat ng kawalan ng seguridad sa pagkain at ng ating pag-asa sa pag-aangkat ng libu-libong tonelada ng bigas, sa kabila ng malalawak na lupang nakalaan sa pagtatanim ng palay.

Higit na may kakayahan ang mga ordinaryong Pilipino at mga propesyonal mula sa iba’t ibang larangan na tahakin ang landas ng Pambansang Industriyalisasyon at Tunay na Reporma sa Lupa. Subalit sa napakahabang panahon, mas pinapaboran ng ating mga pulitiko ang mga kahilingan at interes ng mga dayuhang kapangyarihan. Ito rin ang modelo ng pag-unlad na sinunod ng mga pinakamakapangyarihang bansa ngayon, tulad ng China, Estados Unidos, at iba’t ibang bansa sa Europa. Ang kailangan natin ay iakma ang modelong ito sa partikular na kalagayan at konteksto ng ating sariling bansa.

Magbasa pa · 5 talata

Pambansang industriyalisasyon

Ang pambansang industriyalisasyon ay ang pagtatayo ng produktibong kapasidad na pag-aari ng Pilipino — mula sa mga batayang industriya, paggawa, at industriyang rural — para mas marami ang ginagawa ng bansa kaysa sa kinokonsumo nito, sa halip na umasa sa pagluluwas ng hilaw na materyal at pag-angkat ng yaring produkto. Ibig sabihin, gagamitin ang likas na yaman at paggawa ng bansa para sa pagtatayo ng domestikong industriya, kung saan ang mga estratehikong sektor tulad ng agrikultura, langis, pagmimina, heavy metal, teknolohiya, at iba pa ay nasa ilalim ng pampubliko o pambansang kontrol para sa kapakanan ng taumbayan.

Tunay na reporma sa lupa

Ang tunay na reporma sa lupa ay nananawagan ng malayang pamamahagi ng lupang agrikultural sa mga walang lupa na magsasaka, pagbuwag sa kontrol ng mga panginoong maylupa, at suporta para maging produktibong prodyuser ang mga magsasaka. Maaaring mula ito sa minimum na programa ng pagbaba ng renta sa lupa at interes, mas murang gastos sa pagsasaka, mas mataas na sahod sa bukid, at kooperatibang pagsasaka; ang maximum na programa ay umaabot sa malayang pamamahagi ng lupa sa mga walang lupang magsasaka.

Kapag pinagsama, ang pambansang industriyalisasyon at tunay na reporma sa lupa ay alternatibo sa Pax Silica dahil nag-aalok ito ng estratehiyang pangkaunlaran na nakaugat sa sariling bansa, nakasentro sa lupa at paggawa, kaysa sa pagsama sa isang blokeng pinamumunuan ng US at nakasandal sa AI at semiconductor supply chain. Layunin ng Pax Silica na siguraduhin ang allied supply chain para sa chip, mineral, enerhiya, AI infrastructure, at advanced manufacturing, habang ang pambansang industriyalisasyon at tunay na reporma sa lupa ay nakatuon sa mga batayan at agarang pangangailangan ng mamamayang Pilipino: soberanya sa pagkain, pamamahagi ng lupa, ekonomikong kasarinlan, domestikong industriya, at ang ekonomikong backbone para ipagtanggol ang soberanya laban sa mga superpower tulad ng US at China.

Teknolohiya para sa bayan!

Hindi kailangang makuntento ng mamamayang Pilipino sa advanced technology na nagnanakaw ng napakalaking lupa, tubig, at kuryente. Hindi natin kailangang gamitin ang parehong artificial intelligence models na regular na nag-aalis ng trabaho sa mga manggagawa sa buong mundo. Sinasamantala ng pinakamalalaking tech corporation sa mundo ang teknolohiya para manipulahin at kumita sa mga user sa buong mundo, habang itinatago ang mga advancement na ginagawa nila at sinisigurong hindi ito maaangkin, mapag-aaralan, at magagamit ng taumbayan para gumawa ng sariling teknolohiyang angkop sa pangangailangan natin.

Hindi ang teknolohiya ang kaaway, kundi kung sino ang kumokontrol at nagdidikta nito at kung para saan ito ginagamit. Malinaw na nais ng Estados Unidos na ipagpatuloy ang pagbuo ng artificial intelligence at iba pang advanced technology para sa tanging layuning patatagin ang dominasyon nito sa ibang bansa. Hinihiling natin ang teknolohiyang pag-aari at kontrolado ng taumbayan, kung saan magagamit natin ang oras at resources sa pagbuo ng mga teknolohiyang agarang at tunay na kailangan ng tao.

Ano ang puwede nating gawin?

Akbayan seeks House probe into PH's Pax Silica deal with US
Image source

Malawak ang kritisismo sa Pax Silica: sa transparency ng gobyerno sa mamamayang Pilipino, sa malawakang pagnanakaw ng lupa sa mga magsasaka at katutubo, at sa kung paano halos ipinamimigay na ng gobyerno ang tubig, enerhiya, kuryente, at critical minerals natin. Maraming kinatawan ng iba’t ibang sektor ang nagsasalita laban sa Pax Silica, kabilang ang mga propesyonal, siyentipiko at environmentalist, akademiko, negosyo, at marami pang iba.

Dapat nating palakasin at palawakin ang kolektibong anti-imperyalistang pakikibaka ng lahat ng progresibo at national democratic na organisasyong tumatanggi sa Pax Silica. Walang mas magandang pagkakataon kaysa sa Pax Silica para ilantad ang mapang-aping relasyon ng Pilipinas at Estados Unidos, at kung paano kusang ibinibili ni Marcos Jr. ang lupa, resources, at tao ng bansa para sa interes ng US. Malinaw na maikokonekta ang Pax Silica sa mga digmaang inilulunsad ng US laban sa Iran, Venezuela, Palestine, at marami pang bansa sa mundo.

Nagpapatuloy pa ang negosasyon pero planong pirmahan ang inisyatibang ito sa lalong madaling panahon — hangga’t mabilis nating nadaragdagan ang bilang at nilalakasan ang panawagan, pipilitin natin ang gobyerno na sumunod sa hinihingi ng taumbayan. Nakita natin kung paano sila nagbigay na sa ating mga panawagan tungkol sa mga komunidad na nanganganib maalis, o kung may mga data center bang itatayo. Dapat tayong makipag-ugnayan sa mga organisasyon at mag-organisa sa loob ng sariling komunidad laban sa Pax Silica.

Ang pakikibaka laban sa Pax Silica at laban sa imperyalistang estado ng US ay hindi ibig sabihin na kontra tayo sa progreso o industriyalisasyon, at hindi rin ibig sabihin na panig tayo sa ibang dayuhang estado. Ang pakikibaka laban sa Pax Silica ay paghingi ng mas mabuting landas tungo sa tunay na pambansang industriyalisasyon, at mas inklusibong patakarang gumagamit ng moderno at advanced na teknolohiya para sa sariling pangangailangan at produksyon ng bansa.

Abril 2026

16

Huwebes

2026

Sumali ang Pilipinas sa Pax Silica bilang ika-13 kasapi.

Agosto 2026

31

Lunes

2026

Inilunsad ang Network Opposed to Pax Silica sa Quezon City.

Oktubre 2026

14

Miyerkules

2026

Forum sa Bangkok: “Shut the Pax Down”, kasama ang mga grupong Pilipino at international.

Nobyembre 2026

9

Lunes

2026

Ilulunsad ang pamphlet na ito. Ibahagi sa mga kaklase, katrabaho, at komunidad.

Nobyembre 2026

16

Lunes

2026

Inaasahang pipirmahan ang final na Pax Silica master agreement — sa araw ng pagbisita ni Donald Trump para sa ASEAN Summit sa Metro Manila.

Sumali sa Computer Professionals' Union

Computer Professionals' Union

Bukas ang Computer Professionals’ Union sa mga developer, IT worker, estudyante, at guro na naniniwalang dapat maglingkod sa bayan ang teknolohiya.

Mga kaalyadong organisasyon

Agham

Agham

Bagong Alyansang Makabayan

Bagong Alyansang Makabayan

BPO Industry Employees’ Network

BPO Industry Employees’ Network

Katribu

Katribu

Kalikasan

Kalikasan

Network Opposed to Pax Silica

Network Opposed to Pax Silica

Pro-People Engineers and Leaders

Pro-People Engineers and Leaders

Sumali sa CPU!

Kung computer professional, estudyante ng IT, o developer ka, may lugar ka dito.

Computer Professionals' Union